I wrote this Tagalog poem for my friend Jom who reads my blog but says he does not appreciate English poems.
Jom, dedikeyted ito sayo at sa alaala ng hapong iyon sa UP track oval kung saan gumawa tayo ng tula tungkol sa gamu-gamo habang nakaupo sa ilalim ng isang puno at pinapanood ang pagdadapithapon.
Sila
Naglakad kang paika-ika pasilangan kung saan ang mga
Tula’y alikabok na nilalanghap, hindi binabasa.
Halika, sabi mo, maupo tayo sa sahig at sumandal sa
Dingding na singgaspang ng mortal na alapaap na
Kung kalian nagkaugat ay saka pa lilisan.
Sabay kong naririnig ang lektyur tungkol sa rabies at ang
Pagtugtog mo ng gitara, ang iyong mediocre na
Pagkanta, ang mga halakhak, ang kaba at iba pang
Nanigas na alaala. Nagka déjà vu ako sa isang picture message
Sa 3310 na ipinakita sa akin ng isang katulad mo rin.
Nagkarebelasyon ng mutualism noong nagkatitigan tayo
Habang ako ay kasama sa prusisyon at ikaw naman
Ay masayang naglalaro ng basketbol.
Nakabibingi ang tawa mo nang ako’y masita ng isang
Manong sa Gensan dahil pinakialaman ko ang
Nahuli niyang tuna. Marahil sadya akong curious at ikaw
Man ay naging inkwisitib din nang makita mo ang
Bibig ng dambuhalang isda. Panay tungkol sa durian ang
Mga usapan natin noon, lalo na kung nandiyan sila,
Ang lupon ng sensurang nagluwal sa ating pagkamakata.
Banal na araw ang linggo kung kaya’t ito ang napili mong
Sermonan ng mga idyom na walang kahulugan.
Napaisip ako noon, nagdaan sa maraming decision blocks,
Hanggang mala-Cinderella na tayong tumatakbo pababa ng
Hagdanan, hinahanap ang pinto ng pagtakas.
Sigurado akong bawat burgis na napunta roon mula noon ay
Nagigising sa gitna ng gabi sa nagsusumigaw na multo
Ng kasaysayang iniwan natin sa bawat sulok at bawat hibla,
Sa bawat buhay na hindi nabubunyag, sa bawat
Pira-pirasong pagdadakila. Nahabol mo ako at nahabol
Din kita.
Akin yun, at sinadya kong magtapon ng mitsang
Sasakal sa iyong pagka-bathala. Sumunod siya, sumunod
Sila, mga guhit ng tisa sa pader na naghihiwalay sa
Dalawang uri ng paghinga. Gayundin and mga tanong at
Gayundin ang mga kasinungalingang naghihintay sa pagdaan
Ng mga sandaling umaalon at lumalamon.
Ikaw marahil ay isinumpang maging solitaryo.
Walang bersong aangkop sa tunaw na pag-alala.
Ngunit naglakad ka nang pasayaw, pasilangan, paroon at parito,
Na waring may mahahanap na pagkaluwalhati sa mga
Metro kwadradong ito. Ang mga mata mong bagong buwang
Humihigop sa pait ng mga talatang isinulat sa dugo.
Ikaw na gumising ng alas-singko ng umaga upang lumikha ng
Dibuhong pang farewell pala. Anong makikita sa labas ng
Kwadrong nakadapa at sa aklat ng pilosopiya?
Humihinga pa rin sila.
Perhaps when we find ourselves wanting everything, it is because we are dangerously close to wanting nothing. - Sylvia Plath

No comments:
Post a Comment